Biyernes, Oktubre 21, 2011

Hinagpis sa Likod ng mga Rehas

“Ikaw, nasasakdal ay inaakusahan ng sampung taong pagkabilanggo.” Ito ang huli at pinal na hatol na ibinigay ng hukom sa akin. Muling ipinosas ang aking mga kamay. Ito na ang huling pagkakataong makakasama ko ang aking pamilya.

            Inihatid ako sa kulungang aking kasasadlakan ng maraming taon. Hay, buhay nga naman. Heto ako ngayon, hawak-hawak ang malamig na bakal na rehas. Nakadungaw. Ang nangingilid kong luha’y unti-unting dumaloy mula sa aking mga mata. Hindi ko napigilan. Ayaw kong ilingon ang aking ulo sapagkat ang makikita ko’y mga kapwa preso. Preso? Hindi ko lubos maisip na ako ngayo’y isa nang matatawag na preso. Bumababa ang pagtingin ko sa aking sarili. Alam kong hindi ako nararapat sa lugar na ito. Pinalaki ako ng mga magulang ko nang maayos at may sapat na nalalaman sa buhay – sa bawat tama at mali. ‘Di ko lubos mawari kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Pinagbabayaran ko ang kasalanang hindi ko naman ginawa. Oo, hindi ko nga ginawa.

            (Pagbabalik-tanaw)

            “Tao po. Tao po.” Walang tumutugon. Ako na ang nagbukas ng pintuan. Ngunit, ano ito? Ang sumambulat sa aking harapa’y katawan ni lolong nanliligo sa sarili niyang dugo. Nakahandusay. Hindi ko malaman ang gagawin. Mga mata ko’y nanlalaki’t naninigas ang mga paa’t ‘di ko maigalaw. “Paano? Ba – bakit? Sinong gumawa nito sa’yo lolo?” Nakita ko ang isang punyal sa kanyang tabi’t hinawakan ko ito. Sinong walang kaluluwa ang gagawa ng karumal-dumal na bagay na ito? Wala. Wala akong maisip. Blangko.

            Biglang nagbukas ang pinto. Nagulat ako dahil biglaan at malakas ang pwersa ng pagbukas nito. “Anong nangyari dito?” wika ng mamang pulis. Tahimik ako. Wala akong nasambit ni isa mang salita. “Halika! Sumama ka sa amin.” Nagpumilit akong magpumiglas ngunit wala akong nagawa. “Wala po akong kasalanan. Bitiwan ninyo ako.” Mahigpit ang pagkakahawak nila sa akin.

            Hay! Tama na. Ayaw ko nang balikan pa ang pangyayaring yaon. Naaawa lamang ako, hindi sa aking sarili, kundi sa taong nabawian ng buhay at ang tunay na kriminal na nambawi ng buhay ng iba.

            Ilang araw na ang nakalipas. Labis na ang pangungulila ko sa aking pamilya. Nais ko’y makauwi na. Ngunit paano? Kung hindi lamang sana ipinagkait sa katulad kong maralita ang hustisyang aking minimithi, disin-sana’y kasalukuyan pa rin akong nabubuhay ng may dignidad. Patuloy pa rin sana akong nabubuhay ng may hinahawakang pag-asa – pag-asang may bukas pa. Magandang kinabukasan.

            Oras na nang pagkain. Heto ako’t nakapila at naghihintay ng aking pagkakataon. Naupo na ako nang matanggap ko na ang pagkaing nakalaan para sa akin. Nangungulila ako sa masarap na luto ng aking mahal na ina. Naaalala ko ang bawat amoy ng nakakagutom niyang mga putahe. Bawat lasap at linamnam ng bawat subo ko noon ay nais ko muling maranasan. Nakakasawa ang paulit-ulit na kinakain naming dito. Hay. Gaano pa ba katagal?

            Matapos kumain ay balik sa trabaho. Kanina’y sa hardin upang ayusin ang mga pananim, ngayon naman ay ang palikuran ang aking lilinisin. Masangsang na amoy. Napakadumi. Hindi ko mawari kung paano magsisimula. Sa totoo lamang, nakakapanakit ng tiyan. Nakakasuka. Hindi kakayanin ng iyong sikmura.

            Bagong gawain naman. Sining an gaming pagkakaabalahan. Habi dito, habi doon. Pinta rito, pinta roon. Iyan. Nakabuo ako ng isang munting basket. Hindi ko ito ginagawa noon. Naisip kong itago ito at ibigay sa aking ina sa oras na makauwi ako. Alam kong matutuwa siya.

            Ito ang paulit-ulit kong ginagawa sa bagong tahanang ito. Paulit-ulit naming ginagawa hanggang sa maubos ang oras. Hindi ko na namalayang buwan nap ala ang nakalipas.

            Pumikit ako at nahiga sa sobrang kapaguran. Napahimbing ako at nang nagising ay napansin kong may dumadaloy na luha sa aking mga mata. Nabasa tuloy ang aking unan.

            Malinaw pa ang aking panaginip. Noong una’y masaya dahil kasama ko ang buo kong pamilya. Lahat kami’y makikitaan mo ng ngiti sa aming mga labi. Nang biglang, naiba ang aming lokasyon. Tila ba malungkot at tahimik ang paligid. Niyakap ako ng aking ina at sinabing sana’y makauwi na ako. Mahal na mahal daw niya ako.

            ‘Di ko alam kung anong ibig sabihin nito. Inisip ko na lamang na siguro’y labis lang ang aking pangungulila sa kanila, lalo na sa aking ina kaya’t pati sa panaginip ay naroroon sila.

            Kinabukasan, may natanggap akong balita. Bumigat ang pakiramdam ko. Tila sasabog ang dibdib ko. Bumuhos ang luha. Kulang na lamang ay bumaha ang paligid. Hindi ko napigilan ang aking hagulhol. “Ano? Hindi ko ito kakayanin. Ang pinakamahalagang tao sa aking buhay, ngayon ay iniwan na ako. Pumanaw na ang aking ina, ang aking mahal na ina. Hindi ko na matitikman ang masasarap niyang luto. Hindi ko na rin maibibigay ang basket na ginawa ko para sa kanya. Iyon na pala ang huling yakap at sambit niya ng mga katagang mahal na mahal kita. Sa panaginip na lamang.”

            Umaapaw ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Sayang na lamang at nagkaganito ang sitwasyon ko. Hindi ko man lamang naiparamdam sa kanya ang pag-ibig ko sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Makakausap ko na lamang siya sa harapan ng puntod niya.

            “Panginoon! Alam kong may dahilan kayo sa lahat ng ibinibigay ninyong mga pagsubok sa akin. Ngunit hanggang kalian pa ako magtitiis sa lugar na ito? Hanggang kalian pa ang paghihirap ko? Hanggang kalian pa ako magdurusa sa  kasalanang ‘di ko naman ginawa? Hindi ko na yata kakayanin pa. Nanghihina na ako. Patnubayan mo ako’t gabayan. Bigyan mo ako ng kalakasan sa bawat bukas na haharapin ko pa dito sa likod ng mga rehas na ito.”

Linggo, Agosto 7, 2011

SANA...NARIYAN KA

Sana para ka na lang musika;
Para sa bawat sandaling malungkot ako,
nariyan ka para bawasan ito.
Sana sa mga panahong nasisintunado ako,
nariyan ka para itama ang bawat maling nota ko.
Sana sa bawat piyok ko,
nariyan ka para ibangon ako sa aking pagkakahiya.
Sana sa bawat maling diksyon ko,
nariyan ka para paalalahanan ako.
Sana sa bawat pagtaas ng aking tono,
nariyan ka upang alalayan ako.
Sana sa bawat pagbaba ng tono,
nariyan ka upang akayin ako.
Sana ako na lamang ang bumuo sa iyong awitin,
At ikaw na lamang ang himig na lapat sa akin.

HAY...!

        Buong araw na nasa paaralan. Talaga nga namang nakakapagod. Sabayan pa ng pagsakit ng ulo, na dahil doon ay nadadagdagan pa ang alalahaning hindi imposibleng bumalik ang aking sakit. Kapag lumala pa, sa isang pitik, ako'y wala na sa mundong ibabaw.
Napakarami talaga! Napakaraming kailangang gawin. Hindi kasi agad nasimulan. Ikaw kaya ang magbiyahe simula Lipa hanggang Tanauan at Tanauan pabalik ng Lipa? 'Pag di ka naman napagod, ewan ko laang. Araw-araw ko 'tong tinitiis. Pag-uwi ng bahay, pagkatapos kumain deretso na agad sa pagtulog. Wala ng aral-aral dahil tinatamaan ako ng antok. Kung pwede nga lamang ay ilipat na ang tahanan namin na katabi na mismo ng institusyon.
Ngayong hapon, walang pumasok sa utak ko sa mga leksyong itinuro. Bakit? Naging pasaway na naman sa paggamit ng komputer. Sa bagay, may dahilan naman. Paano na 'to? May takdang aralin. Sana mapilit ko ang aking utak na masagot ang bawat tanong doon. Eto pa. Ambilis ng pag-uulat na nangyari. Kami na pala ang sunod. Nakakabigla kahit alam na naming malapit na kami't nakahiram na ng mga libro. Nakahiram lang kami pero hindi pa rin nababasa ang paksang kailangang aralin, intindihin at ipaintindi sa mga kapwa kamag-aaral. Natapos ang klase nang maaga-aga ngunit heto na naman ang barkadang laging nagpapahuli. May pagka-konsistent ba ga. Simula kasi noon ay ganto na rin kami. Oras ay talagang inuubos. Wala akong nagawa kundi ang maghintay na lamang. Naisipan namin ni kambal(Leslie) na manghiram sa aming propesor ng aklat. Dahil sa mukhang napakabait sa amin ng tadhana, binigyan na lamang kami ni sir ng ayos nang PPT Presentation. Hooh! Kahit papaano nakaluwagluwag. Parang nabunutan ng tinik. Salamat sa Diyos. Aaralin na lang namin ito. Nabawasan ang dalahin.
Lumipas ang ilang minuto.Sa wakas, uuwi na rin kami! Medyo umaambon pa at tila wala na talaga ako sa sarili. Deretso lang sa paglakad, hindi umiimik. Hayan, mayroon naring dyip. Makakasakay na agad kami. Lipad talaga ang utak ko. Di ko alam kung kanino ako magbebeso at kung sasakay na ba ako o hindi pa. Nauna na tuloy sa akin sina Jem at Hanna. Pagsakay ko, sumigaw ako kay Leslie upang sagutin ang tanong niyang di ko agad nasagot dahil di ko mawari kung anong dapat isagot. Di ko rin napansin ang dati kong kaklase. Kung di pa siya bumati, di ko siya mapapansin talaga. Matagal ang biyahe siyempre. Ngunit sa buong panahong yaon, wala ako halos imik at wala halos naririnig sa paligid. Para bang nanglalambot na ako. Gabing-gabi na kasi eh.
Hayan, Lipa na. Mayamaya'y bababa na rin kami. Mabuti na lamang at iniintay ako ni kuya. Pagod na talaga ako. Hindi ko na alam kung paano ako mag-aaral. Eto na, konting lakad na lang at nasa bahay na kami. Paano pa ako mag-aaral? Hay...! Nakakaiyak. Nakakapanglambot. Nakakapanghina. :/
--nagawa ko ito habang nasa biyahe pauwi. (08/03/11)

Lunes, Agosto 1, 2011

Unang Post

Bagong gawang blog ito kaya't unang pagkakataon ko itong maggagawa ng post. Tila ba isa ako sa mga pasaway na estudyanteng ang tainga'y nakakarinig ngunit hindi nakakaintindi. Mga mata, kamay at isipan naman nami'y nakatutok sa harapan ng komputer. Leksyong sana'y iniintindi't naiintindihan ay tumatagos na lamang sa kana't kaliwang mga tainga. Resulta? WALA AKONG NAINTINDIHAN. Sana nga lamang ay makahabol ako. ".